Bakit Mahalaga Ang Panitikan?


Bakit ba mahalaga ang Panitikan?

Ang mga akdang pampanitikan ay bunga ng isip at damdamin ng sumulat. Ito ay mga karanasan na naisatitik batay sa kaniyang pagmamasid sa kaniyang kapaligiran at pagkamalikhain ng kaniyang malikot na imahinasyon.

Ang panitikan ay mayroong ibang-ibang uri tulad ng tula, sanaysay, maikling-kuwento, nobela, dula, alamat, epiko, mito at iba pa, na sinadyang buohin upang salaminin ang kultura ng lugar na ginagalawan ng may-akda.

Ang panitikan ay may malaking ambag hindi lamang sa kultura ng pinagmulan nito maging sa kaganapan ng pagkatao ng manunulat at ng mga mambabasa.

Dahil sa mga karanasan ng may-akda at dahil sa kaniyang mga obserbasyon sa kaniyang paligid naitatala niya sa pamamagitan ng pagsulat ng panitikan ang mga totoo o posibleng mangyari at nangyayari sa mundo. Ang mga karanasang ito ay maaaring maging salukan ng kaalaman ng mga mambabasa. Bukod sa kaalaman na dulot nito, nakapagbibigay din ito ng aral na maaaring mapulot ng mambabasa upang magamit niya sa pagpapatuloy ng kaniyang buhay sa mundo.

Ang kaalaman na hatid ng mga karanasan ng manunulat sa panitikan ay DUNONG para sa mga mambabasa at ang aral mula rito ay MALASAKIT para sa kanila. Kapag tuluyang natutuhan at naunawaan ng mambabasa ang mensahe ng panitikan mula sa karanasan ng manunulat, tatanggapin niya ang DUNONG at MALASAKIT na magtuturo naman sa kaniya kung paano maging isang GANAP NA TAO.

Ang KAGANAPAN NG isang TAO o ng kaniyang PAGKATAO ay makikita lamang kung taglay niya nang magkasama ang KARUNUNGAN  at  PAGMAMALASAKIT.

Ito ang handog ng Panitikan sa atin.

Sir Mar 12 May 2020

Post a Comment

Previous Post Next Post